今週の動画

BILANG NG MGA DAYUHAN NA BUMISITA SA JAPAN NITONG HUNYO UMABOT SA 120,400

Umabot sa 120,400 ang bilang ng mga dayuhan na nakapasok sa Japan nitong buwan ng Hunyo. Ito na ang ikatlong buwan na lumagpas sa 100,000 ang bilang ng mga dayuhan na nakabisita sa bansa matapos na paluwagin ng gobyerno ang batas sa pagbiyahe.

Ayon sa Kyodo News, pinakamaraming dayuhan na nakapasok sa Japan nitong Hunyo ay mula sa Vietnam na nasa 22,900; sinundan ng China na nasa 14,700; South Korea na nasa 11,200; at Estados Unidos na nasa 9,700. Ang mga ito ay pinayagan na makapasok sa bansa bilang interns, negosyante at estudyante. Pumatak lamang sa 252 ang bilang ng mga pinapasok sa bansa bilang turista.

Batay sa Japan National Tourism Organization, ang bilang na naitala nitong Hunyo ay 10 beses na mas mataas kumpara noong Hunyo 2021 ngunit mas mababa pa rin ito ng 95.8 porsyento kumpara noong 2019, ang taon bago nagkaroon ng pandemiya.

Matatandaan na tinaasan ng Japan simula noong nakaraang buwan ang bilang ng mga maaaring pumasok sa Japan sa 20,000 kada araw. Binuksan din ang limang regional airports bilang karagdagan sa mga pangunahing airports na kinabibilangan ng Narita, Haneda, at Kansai.

この記事を書いた人

アン ペドリガルアギナルド ロッシェル

Follow me!